Ang Pahayagan

Php1.3M na shabu at isang baril, kumpiskado sa magkahiwalay na buy-bust operations

PAMPANGA —Dalawang magkahiwalay na buy-bust operations ang isinagawa ng pulisya sa Guiguinto, Bulacan at Guagua, Pampanga na nagresulta ito sa pagkakaaresto ng dalawang drug personalities at pagkakasamsam ng mahigit PHP 1.3 milyong halaga ng hinihinalang shabu at isang baril nitong nakaraang Huwebes, Mayo 22, 2025.

Sa Barangay Panginay, Guiguinto, Bulacan, dakong 1:45 ng madaling araw, naaresto si alyas “Anok,” 44 taong gulang at residente ng naturang barangay. Siya ay kabilang sa unified drug watchlist ng PDEA.

Nakumpiska mula sa kanya ang 96.42 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng PHP 655,600.00, isang (1) cal. .380 pistol na may serial number 9326401 na kargado ng tatlong (3) bala, at ang buy-bust money.

Samantala, dakong 10:00 ng gabi sa Barangay Bancal, Guagua, Pampanga, isinagawa rin ng Regional Police Drug Enforcement Unit 3 (RPDEU3), katuwang ang Guagua Municipal Police Station, ang isang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang bagong tukoy na High-Value Individual (HVI) na si alyas “Bert,” 40 taong gulang.

Nasamsam mula sa kanya ang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na humigit-kumulang PHP 680,000.00, limang (5) piraso ng tig-₱1,000 marked money, at isang (1) digital weighing scale.

Ang dalawang suspek ay nasa kustodiya na ng kanilang mga operating units para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon. Inihahanda na ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Si alyas “Anok” ay mahaharap din sa karagdagang kaso sa ilalim ng RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, kaugnay ng Omnibus Election Code.

Binigyang-diin ni PBGen Jean S. Fajardo, Regional Director ng Police Regional Office 3, ang kahalagahan ng walang humpay na aksyon ng PNP sa pagsuporta sa anti-drug campaign ng administrasyon.

“Ang dalawang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng dedikasyon ng ating kapulisan sa PRO3 sa pagsugpo sa ipinagbabawal na gamot. Patuloy naming paiigtingin ang aming kampanya upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. Hinihikayat din namin ang ating mga kababayan na makiisa sa laban na ito at agad na magsumbong sa mga awtoridad kung may nalalamang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang komunidad,” ani PBGen Fajardo.

Leave a comment