Ang Pahayagan

Lalaki sinakote sa 88K halaga ng shabu

ZAMBALES– Arestado ang isang umano’y drug peddler na nakalista sa Regional Target List ng mga drug personality at nakumpiska ang nasa Php 88,400.00 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Calapacuan, bayan ng Subic, Biyernes (Mayo 23) ng gabi.

Ang operasyon ay isinagawa sa pagtutulungan ng PDEA Zambales Provincial Office, Subic Police Station, at Zambales Provincial Drug Enforcement Unit kung saan nalambat ang isang kinilalang suspek na alyas DADO, lalaki, 68 taong gulang, residente ng Barangay Matain, Subic, Zambales.

Nakumpiska mula sa naarestong suspek ang tinatayang 3 gramo ng shabu, isang smartphone, at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Kakasuhan ito ng paglabag sa section 5 (sale of dangerous drugs) at section 11 (possession of dangerous drugs) base sa itinatadhana ng Republic Act 9165, na isang non-bailable offense.

Leave a comment