ZAMBALES– Inaresto ng mga operatiba ng NBI- Olongapo District Office (NBI-OLDO) ang isang babae dahilan sa paglabag umano sa itinatadhana ng “Expanded Trafficking in Persons Act of 2022”, sa isang operasyon na isinagawa sa San Antonio, Zambales.
Sa naantalang ulat na nakalap mula sa NBI, kinilala ang inaresto sa alyas na “Margie” makaraan na makatanggap ng impormasyon ang mga otoridad hinggil sa umano’y sexual trafficking na nagaganap sa ilang mga kababaihang biktima, na ang ilan ay pawang mga menor de edad pa.
Ang naturang trafficking operations ay iniulat na isinasagawa sa loob ng isang establisyimento sa Brgy. East Dirita, San Antonio, Zambales at ang itinuturong suspek rito ay nag-aalok umano ng mga babaeng biktima para sa sekswal na pagsasamantala kapalit ng bayad na Php 2,000.00.
Sa isinagawang surveillance operations ay na beripika ang impormasyon kung kaya’t nagsagawa ng entrapment at rescue operation ang NBI-OLDO sa pakipag-ugnayan na rin sa Office of the Provincial Prosecutor Province of Zambales (OPP-Zambales) at San Antonio Municipal Police.
Inaresto ang suspek habang nasa aktong umano’y tinatanggap ang marked money na halagang Php 4,000.00 bilang bayad sa serbisyong sekswal ng dalawang (2) trafficked victims.
Kasalukuyang detinido ang suspek sa Zambales Provincial Jail base sa utos ng hukuman habang ang limang biktimang na-rescue ay itinurn-over ng DSWD social worker sa Municipal Social Welfare Development (MSWD) ng San Antonio Zambales bago ibalik sa kani-kanilang mga pamilya,
Ang tatlong menor de edad na biktima naman ay inindorso sa isang DSWD partner non-government association (NGO) para sa pansamantalang pangangalaga at matutuluyan.


Leave a comment