Ang Pahayagan

PHP204-M HALAGA NG SHABU, NASAMSAM SA BULACAN

PAMPANGA —Nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng mga awtoridad ang mahigit Php204 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang operasyon sa Norzagaray, Bulacan nitong Huwebes ng hapon, Mayo 15, 2025.

Sa naturang operasyon, tatlong indibidwal na kinilala sa kanilang mga alyas na “Jessie,” 44 taong gulang na residente ng Cavite; “Tina,” 36 taong gulang mula Quezon City; at “Jess,” 21 taong gulang, na residente rin ng Cavite. Kasalukuyang tinutugis pa rin ang isang alyas “Tongo,” na hinihinalang isang Chinese national at itinuturing na High-Value Target (HVT), na nakatakas sa operasyon.

Isinagawa ito dakong alas-1:30 ng hapon sa Payogi Leisure Hub, Old Barrio Road, Barangay Minuyan, Norzagaray, Bulacan, sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa ng Special Enforcement Service (SES) ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) National Office, PDEA Regional Office III – Bulacan Provincial Office, Norzagaray Municipal Police Station, at San Jose Del Monte City Police Station.

Nasamsam sa mga suspek ang tinatayang 30 kilo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na PHP204,000,000.00. Kabilang din sa mga narekober na ebidensya ang markadong pera, mga identification cards, mga cellphone, at isang sasakyan.

Sa kasalukuyan, iniimbestigahan na ng mga otoridad ang posibleng koneksyon ng nasabing grupo sa naunang anti-drug operation na isinagawa noong Mayo 13, 2025 sa Angeles City, Pampanga, kung saan nasabat ang PHP680.4 milyong halaga ng shabu.

Kapansin-pansin ang mga pagkakatulad sa istilo ng transaksyon at sa paraan ng pagbabalot ng iligal na droga sa dalawang operasyon, na parehong isinagawa sa loob ng tatlong araw at sa iisang rehiyon.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Police Brigadier General Jean S. Fajardo, Regional Director ng Police Regional Office 3, na ang magkakasunod na drug operations ay malinaw na patunay ng pinalakas na kooperasyon sa pagitan ng PDEA at PNP sa rehiyon.

Aniya, “Ang magkakasunod na operasyon na ito ay patunay ng matibay na ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng PDEA at PNP. Hindi kami titigil hangga’t hindi tuluyang nabubuwag ang mga sindikatong patuloy na nagpapakalat ng iligal na droga sa ating rehiyon. Paiigtingin pa namin ang kampanya kontra droga sa buong Gitnang Luzon.”

Ang mga naarestong suspek ay nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy naman ang isinasagawang follow-up operations upang matukoy at mahuli ang iba pang sangkot sa operasyon ng iligal na droga sa rehiyon.

📸 Bulacan PPO

Leave a comment