OLONGAPO CITY—Pantay na benepisyo ng lehitimo at ilehitimong anak, proteksiyon ng nagbabagong anyo o non-traditional na pamilya, kabilang ang live-in parents, Overseas Filipino Workers’ family, victims and survivors of domestic violence, adoptive family, blended family, LGBTQIA partners, elderly and extended heads of family, at solo single parent ang ilan lamang sa mga inilatag na plataporma ng Pamilya ko Partylist sa kanilang pagtakbo sa nalalapit na halalan sa Mayo 12, 2025.
Ang Pamilya ko Partylist ay kasama sa grand political rally nina senatorial candidate Gregorio “Gringo” Honasan at Team Vegafria ng businessman at Olongapo mayoral candidate na si Arnold Vegafria na ginanap sa Olongapo City Sports Complex.
Sa isang pulong-balitaan na ginanap sa The Palace Restaurant sa Olongapo city, sinabi ni Atty. Anel Diaz, 1st nominee ng Pamilya Ko Partylist na isinusulong ng kanilang grupo na maging pantay ang mamanahin ng ilehitimong anak sa kanyang mga kapatid dahil hindi naman nito kasalanan ang pagkakamali ng kanyang magulang. Dapat na aniyang baguhin ang ganitong nakagawian, ayon sa nasabing partylist organization.
Ipinaliwanag din ni Diaz na kailangang amyendahan ang Family Code upang mabura ang pagkakaiba sa illegitimate at legitimate na anak sa pagmamana. Marapat na din umanong tigilan na ang paggamit ng mga terminolohiya na lehitimo o ilehitimo.
Nais din ng Pamilya ko Partylist na magpasa ng batas para sa karapatan ng mga live-in at LGBTQIA+.
“We believe that each Filipino family deserves love and protection,” paliwanag ni Diaz.
Panawagan ni Diaz sa mga Olongapen̈os huwag sayangin ang kanilang boto at huwag kalimutang bomoto ng partylist dahil ito aniya ang tumatayo para mga mamamayan sa kongreso. (PR)
📸 Pamilya Ko Partylist nominees na sina Atty Anel Diaz at Miguel Kallos kasama si Olongapo mayoral candidate Arnold Vegafria habang nakamasid naman si senatorial candidate Gregorio “Gringo” Honasan sa ginanap ang grand rally sa Olongapo Sports Complex kamakailan. (HO)


Leave a comment