Ang Pahayagan

K5 News FM Olongapo-Tutok Politika at Tapatan candidates’ forum, matagumpay na nailunsad

LUNGSOD NG OLONGAPO– Naging matagumpay at mapayapang nailunsad ang “Tutok Politika at Tapatan -Midterm Election” forum na inorganisa ng istasyong K5 News FM Olongapo na ginanap SMX Convention Center sa lungsod ng Olongapo nitong Abril 3 2025.

Ang naturang programa ay nilakuhan ng limang tumatakbong kandidato para sa posisyon ng Vice Mayor gayundin ang apat na nagtutungalian para sa pagka- alkalde.

Sa naturang forum – debate, ang magkakatunggali ay binigyan ng pagkakataon na ilahad ang kani-kanilang programa at plataporma gayun din ang pagsagot sa katanungan ng miyembro ng panel na kaugnay naman sa mga suliranin at kaganapan sa siyudad.

Ayon kay K5 Radio Station Manager Aileen Cuevas –Sanchez, layon ng programa na mabigyang-giya o patnubay ang mga botante para sa nalalapit na eleksyon sa Mayo.

Ang programa ay sabayang napakinggan sa radyo at napapanood din sa K5 News FM facebook page sa pamamagitan ng live streaming.

“Isinagawa natin ang programa sa kagustuhan natin na magsilbi itong balon ng impormasyon para sa ating mga tagapakinig sa radio,” saad ni Sanchez sa panayam ng Ang Pahayagan.

Nagsilbing panel ang mga inimbitang kinatawan mula ng sektor ng pagnenegosyo na si Rose Baldeo; sa hanay ng mga abogado na si Carolyn Senador Farinas; sa pamamahayag at kasalukuyan presidente ng Central Luzon Media Association (CLMA) na si Carmela Reyes-Estrope at representante mula sa PPCRV na si Rodolfo RV Villanueva.

Nagsilbing moderator si Lorlyn G. Velarde na Board of Director ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas (KBP).

Dumalo naman upang saksihan ang forum sina Bases Conversion and Development (BCDA) Director Rolen Paulino, SBMA Media Relation Head Armie Llamas, mga representante mula sa Comelec Regional Office, at mga opisyales ng LGU. Nakiisa din ang ilang miyembro ng Olongapo at Zambales media gayun din ang ilang mga sumusuporta ng mga kandidato.

Sa unang bahagi ng programa sa umaga ay nagtagisan sa pagsagot sina City Councilors: Rodel R. Cerezo, Luige Lipumano, Kaye Anne S. Legazpi, at Gina Gulanes-Perez at dating City Prosecutor Prudencio B. Jandoni na pawang tumatakbo para Bise-Alkalde ng siyudad.

Dakong hapon naman nang magharap ang mga kandidato para sa pagka- alkalde na pinangungunahan ni incumbent mayor Atty. Rolen C. Paulino Jr., Vice-Mayor Aqulino “Jong” Cortez, businessman Dr. Arnold Vegafria, at ABC President Barangay Chairperson Prescilla Echie Ponge. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH SANTOS)

Leave a comment