Ang Pahayagan

7.6-M party drugs nasabat ng PDEA

PAMPANGA—Naharang ng mga awtoridad ang tinatayang 4,491 piraso ng party drug tablets na kilala bilang ecstasy sa isang interdiction operation sa Port of Clark bandang 12:00 ng tanghali, noong Miyerkules, Abril 2.

Nabatid na ang operasyon ay ginawa ng PDEA Clark Interdiction Unit kung saan target rito ang isang shipment ng mga iligal na droga na nagkakahalaga ng Php 7,634,700.00. Nagmula umano sa Belgium ang kargamento na dumating sa Port of Clark noong Marso 29, 2025.

Kasama sa operasyon ang NBI Pampanga District Office, PNP Aviation Security Unit 3, PNP Drug Enforcement Group, PDEA IS, at PDEA SES K-9 Unit.

Ayon sa ulat, isang impormasyon umano ang natanggap ng PDEA International Cooperation and Foreign Affairs Service (ICFAS) kaugnay sa isang parcel na nagmula sa Belgium na parating sa Port of Clark.

Agad na ipinasa ng PDEA Intelligence Service (PDEA IS) sa PDEA Regional Office 3 kung kaya’t agad na inilunsad ang naturang interdiction operation.

Isinagawa ang paghahalungkat sa kontrabando sa presensya ng mga tauhan ng PDEA Clark at Bureau of Custom (BOC) Port of Clark. Ang mga kinumpiskang iligal na droga ay dinala sa PDEA RO3 laboratory para isailalim pa sa masusing forensic examination sa kabila ng nagpositibo na umano ang mga naunang Feld test.

Leave a comment