Ang Pahayagan

Mga magsasaka mula Gitnang Luzon, nagprotesta sa DAR kontra land conversion

Pinangunahan ng mga magsasakang kasapi sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) – Gitnang Luzon at ilang organisadong grupo ang tinaguriang Kampuhan sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City upang ihayag ang kanilang pagtutol sa umano’y malawakang “land use conversion” na nagaganap sa rehiyon.

Ang pagkilos na tatagal anila ng limang araw mula Marso 24 hanggang 28 ay isinasagawa alinsabay sa pakikipag-dayalogo ng mga lider nito sa mga opisyales ng naturang ahensiya.

Napag-alaman sa pahayag ng KMP na labis anilang nakababahala ang lumalalang problema sa seguridad sa pagkain, dahilan sa unti- unti nang pagkaubos ng mga lupang-sakahan bunsod ng malaganap na kunbersyon sa mga ito.

Sa kabila umano ng malalang problema ay nakapokus lamang ang gobyerno sa programang Build Better More (BBM) at Central Luzon Development Program (CLDP) na nakatuon sa mga proyektong imprastraktural tulad ng mga daan, tulay at mga commercial hubs.

Kasama sa tinuligsa ng mga grupong magsasaka ang anila’y patuloy na isinusulong ng gobyernong Urban Growth Plan Center sa lalawigan ng Pampanga na sasaklaw at aapekto sa malalawak na lupaing agrikultural at pangisdaan.

Tinutulan naman ng Alyansa ng Mangagawang Bukid sa Hacienda Luisita (AMBALA) ang umano’y mga demolisiyon at pananakot sa kanilang mga lider.

Nabatid naman mula sa mga kasapi ng Samahang Mangingisda ng Masinloc Riverside Producers Cooperative (SAMBAT) sa Zambales na ramdam din umano sa kanilang lalawigan ang land use conversion kung saan inilalaan ang malalawak na lupain para sa mga solar power plant, mga subdibisyon, dagdag pa ang kaliwa’t-kanang mapanirang pagmimina.

Ayon kay KMP Chairperson Danilo Ramos, ang mga katulad nito aniya ay “hungkag na programa ng gobyerno para sa mga magsasaka at ang patuloy na pagpapatupad ng land use conversion, land grabbing at marahas na pagpapalayas sa kanilang mga sinasakang bukirin ang pangunahing pumapatay sa sektor ng mangagawang bukid at pangisdaan”.

“Ang panawagan para sa tunay na repormang agraryo mula pa sa Hacienda Luisita ay lalo nating pai-igtingin sa buong Pilipinas,” pagdidiin ni Ramos na ngayon ay tumatakbo para pagka-senador para sa halalan sa Mayo. (Ulat para sa Ang Pahayagan / Mitch Santos)

📸 KMP

Leave a comment