Ang Pahayagan

BOC naharang ang P1.890 Million halaga ng High-Grade Marijuana

PAMPANGA– Naharang ng mga awtoridad ang umano’y 2.09 kilo ng high-grade marijuana na tinatayang may street value na P1,890,000.00. sa isang dumating na parcel mula sa Sacramento, USA, na patungo sana sa Surigao del Norte.

Natukoy ang naturang kargamento sa pinagsamang inspeksyon ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Ang kargamento ay unang na-flagged para isailalim sa pisikal na pagsusuri matapos idaan sa X-ray scanning ng X-ray Inspection Project (XIP) ng BOC. Nang ito ay siyasatin ng mga awtoridad ay nakita sa loob ng kahon na may label na “Ink Toners” ang mga umano’y pinatuyong dahon ng marijuana.

Sa kinuhang sample na dinala ng PDEA para sa chemical analysis ay nakumpirma umano ito bilang Tetrahydrocannabinol, isang mapanganib na gamot na inuri sa ilalim ng R.A. Blg. 9165.

Ang pag-inspeksyon sa naturang kargamento ay isinagawa ng Port of Clark – Customs Anti-Illegal Drug Task Force, sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police – Aviation Security Group, National Bureau of Investigation – Pampanga District Office, Department of Justice, at mga lokal na opisyal mula sa Barangay. Dau, Mabalacat City.

Naglabas na din ng Warrant of Seizure and Detention para sa naturang shipment dahilan sa paglabag sa tinatadhana ng Sections 118(g), 119(d), and 1113 paragraphs (f), (i), and (l) (3 and 4) of R.A. No. 10863, na mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), in relation to R.A. No. 9165, as amended.

📸 BOC-Port of Clark

Leave a comment