Ang Pahayagan

Anim na dayuhan at 2 Pinoy arestado sa Grande Island sa Subic Bay

SUBIC BAY FREEPORT—Inaresto ang anim (6) na dayuhan at dalawang (2) Filipino nationals sa isang reyd na inilunsad ng composite team mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) nitong Miyerkules umaga, Marso 19.

Ayon sa ulat ng Department of National Defense (DND), kinumpirma rito ang pagka-aresto sa pamamagitan ng isang warrant para sa Chinese national na kinilalang si Qiu Feng, (totoong pangalan ay Ye Tianwu) at gumagamit din ng alyas na Qing Feng sa Grande Island sa Subic Bay Freeport. 

Si Ye Tianwu ay inaresto dahilan sa paglabag umano ng itinatadhana ng Republic Act 8799, o ng Securities Regulation Code, at RA 10175, na kilala rin bilang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Kasama ni Ye Tianwu na naaresto sina Xu Xining; Ye Xiaocan; Su Anlong; at He Peng; at ang Cambodian national na si Ang Deck/Dick.

Kasamang hinuli ang dalawang Filipino na kinilalang sina Melvin Mañosa Aguillon, Jr. at Jeffrey Espiridion, pawang mga empleyado umano ni Ang Deck/Dick.

“The arrest exposes the unlawful nature, including suspected espionage and kidnapping activities related to Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), for which some foreign nationals are using Grande Island under the guise of private enterprises,” ani sa pahayag ng DND.

Narekober ng mga awtoridad ang maraming cellphone at laptop, isang 9mm na baril, at 16 na basyo ng bala para sa 9mm.

“Such activities, which may be part of larger criminal network operations, pose a serious threat to our national security,”diin ng DND. 

Bunsod ng naturang insidente, inaasahan ngayon ng DND ang ibayong pagtutulungan ng mga kinauukulang ahensya, kabilang ang SBMA, para sa posibilidad na maideklara ang Grande Island, kasama ang kalapit na Isla ng Chiquita, bilang military reservation.

Ang Grande Island, na matatagpuan sa Subic Bay, ay isang strategic vantage point para sa pangunahing sea lane sa West Philippine Sea, kabilang ang Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).

📸 Ang Pahayagan /  JUN DUMAGUING

Leave a comment