Ang Pahayagan

Php5.548M halaga ng shabu na nakatago sa mga laruan naharang ng Customs

Naharang ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark, sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang 816 gramo ng hinihinalang Methamphetamine Hydrochloride o “Shabu,” na nagmula sa Los Angeles, California, at patungo sana sa Cagayan de Oro City.

Tinatayang nagkakahalaga ng PhP5,548,800.00 ang street value ng naturang mga iligal na droga.

Isinagawa ang operasyon sa pagtutulungan ng Port of Clark – Customs Anti-Illegal Drug Task Force, Philippine National Police – Aviation Security Group, National Bureau of Investigation – Pampanga District Office, Department of Justice, at mga opisyales ng Barangay Dau, Mabalacat City.

Nauna rito ay ipinagbigay-alam ng PDEA ang impormasyon sa mga tauhan ng Customs na humiling na isailalim sa pagsusuri ang 10 piraso ng mga laruan—isang (1) surprise egg toy at siyam (9) kinetic sand toys, upang maberipika ang mga ito.

Sa loob ng bawat laruan ay nakita umano ang mga vacuum-sealed pouch na naglalaman ng puting crystalline substance, na pinaghihinalaang iligal na droga.

Ang mga sample ay isinailalim ng PDEA sa chemical analysis kung saan nakumpirma na Methamphetamine Hydrochloride umano ang mga ito na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng R.A. Blg. 9165.

Bunsod niito ay nagpalabas ang Customs ng Warrant of Seizure and Detention para sa naturang kargamento dahilan sa paglabag sa itinatadhana ng Section 118(g), Section 119(d), and Section 1113 paragraphs (f), (i), and (l) of R.A. No. 10863, or the Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), in relation to R.A. No. 9165.

📸 Bureau of Customs-Port of Clark

Leave a comment