Ang Pahayagan

Klase sa 12 munisipalidad ng Zambales deklaradong walang pasok dahil sa inaasahang mataas na heat index

Nagdeklara ng walang pasok para sa lahat ng antas ang 12 munisipalidad sa Zambales dahilan sa inaasahang pagtaas ng temperatura na aabot sa 42°C heat index ngayong araw.

Batay sa anunsyo ng Zambales for the People, ang opsiyal na social media page ng lalawigan, nakatala rito na walang pasok sa lahat ng antas sa mga bayan ng Santa Cruz, Candelaria, Masinloc, Palauig, Iba, Botolan, Cabangan, San Felipe, San Narciso, San Antonio, San Marcelino at Castillejos.

Nakasaad din sa anunsyo na ang kanselasyon sa klase ay hakbangin umano ng mga local na pamahalaan bilang pag-iingat sa mga estudyante at guro bunsod ng mainit na panahon.

Nauna nang nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) na ang Zambales at San Jose Oriental Mindoro ay kapwa nasa dangerous level category ang heat index kung saan maaaring magdulot ito sa tao ng heat cramps at heat exhaustion.

Mayroon din 61 lugar sa bansa ang nasa ilalim ng extreme caution category dahil sa inaasahang 33°C hanggang 41°C na heat index.

Mahigpit din ang paalala ni Zambales Gob. Hermogenes E. Ebdane sa kanyang mga nasasakupan na kapag wala namang importanteng lakad, ipagpaliban muna ang paglabas tuwing tanghaling tapat at ugaliing uminom ng maraming tubig. (Ulat ng Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Leave a comment