Pinayagan ng Korte Suprema ang petisyon ni Chito Bulatao Balintay, isang katutubo mula Zambales, na baliktarin ang resolusyon ng Commission on Election (Comelec) na unang nang tumanggi sa kanyang certificate of candidacy (COC) para pagka-gobernador ng Zambales para sa halalan sa Mayo 2025.
Naghain ng COC si Balintay sa huling araw ng filing, 25 minuto bago magsara ang Comelec filing of candidacy. Nag-ugat ito dahil kulang umano ang mga dokumento ng ikalimang kopya at mga documentary stamp ni Balintay kung kaya’t pinayuhan siyang kumpletuhin muna ito.
Nakabalik lamang aniya si Balintay makalipas ang tatlong minuto na lampas na sa deadline na 5 P.M. kaya tinanggihan ng Comelec ang kanyang inihaing COC batay sa itinatadhana umano ng section 37 ng Comelec Resolution No. 11045.
Sa inilabas na resolusyon, Idineklara ng Korte Suprema na inabuso umano ng Comelec ang paghuhusga nito nang hindi payagan si Balintay na ihain ang kanyang COC.
Ayon sa Korte, dapat pag-aralan ng Comelec kung itinataguyod ng mga alituntunin nito ang interes ng katarungan at pagkakapantay-pantay.
Inatasan ng Korte ang Comelec na tanggapin ang COC ni Balintay at isama ang kanyang pangalan sa official ballot ng mga kandidato ng pagka-gobernador ng Zambales sa 2025 elections.
Nauna nang naglabas ang SC ng temporary restraining order noong January 14, 2025 para pigilan ang Comelec sa pagpapatupad sa desisyon nitong tinatanggihan ang aplikasyon ni Balintay.
📸 Apo Chito Balintay fb page


Leave a comment