ZAMBALES– Nakipagpulong si Senadora Imee Marcos sa mga lider ng sektor ng agrikultura at pangisdaan upang aniya malaman ang kinakaharap nilang problema dito sa bayan ng Botolan nitong ika-25 ng Pebrero.
Kabilang sa ipinarating na problema ng mga lider rito ay ang hinggil sa hindi tamang presyo para sa kanilang mga ani, mga pesteng namiminsala sa pananim at ang kakulangan sa patubig sa mga palayan dahilan sa hindi natapos na proyektong imprastraktural.
Sa hanay naman ng pangisdaan, bagamat nabiyayaan na umano sila sa mga proyektong payao ay nakikita naman nila sa kasalukuyan ang pangangailangan ng pangmantine sa mga nasisirang gamit. Kulang din daw sa proyekto ng tinatawag nilang harvester.
Sa panig naman ng Senadora, ipinakilala nito ang pinakahuling batas na kanyang ginawa, ang New Agrarian Emancipation Act na aniya makakatulong sa mga maliliit na magsasaka.
Tiniyak din ni Marcos na patuloy siyang tutulong sa sektor ng agrikultura at pangisdaan tulad ng nauna na niyang ginagawa para sa nasabing sektor dito sa Zambales.
Kasamang humarap si Zambales Governor Hermogenes Ebdane, Jr. sa naturang pagpupulong.

Nakipag-daupang palad din si Marcos sa iba pang mga miyembro ng marginalized sector tulad ng kabataan at estudyante, mga solo parent at kababaihan, mga may kapansanan at Senior Citizen ng munisipalidad na pinaratingan din ng ayuda.
📸 Nasa larawan habang kausap ni Senadora Imee Marcos si Enrico Batumbacal na pangulo ng Zambales Mango Growers Association upang personal na alamin ang mg problemang kinakaharap ng mga magmamangga sa lalawigan.


Leave a comment