Ang Pahayagan

25 Cawag farmers nagsanay sa paggawa ng bagoong

ZAMBALES– Sumailalim sa isang araw na pagsasanay sa paggawa ng bagoong ang dalawampu’t limang (25) miyembro ng SAPAO Cawag Farmers Association Inc. nitong Pebrero 20 sa bayan ng Subic.

Sa naturang Skills Training on Bagoong Making, naging tagapagsanay rito si Daisy Fernan na may karanasan sa paggawa ng bagoong sa loob ng mahigit dalawampu’t limang (25) taon.

Alinsabay sa pagsasanay ang pagkakaroon ng Policy System & Procedures at pagbuo ng Management Team para sa pagproseso ng kanilang produkto. Ito ang kanilang unang pagtatangka sa paggawa at magkakaroon pa ng obserbasyon sa magiging kalabasan ng kanilang produkto.

Lubos ang naging pasasalamat ng mga kasapi ng nasabing organisasyon sapagkat sila ang napiling mabigyan ng ganitong oportunidad para sa programang Product Development ng Department of Agrarian Reform (DAR) Zambales.

Adhikain rito na mapataas ang kita at mapabuti ang kalidad ng pamumuhay bukod pa sa maipakita ang pagiging maparaan ng mga magsasaka kung saan itinuturo na walang nasasayang na mga resources at lahat ng ito ay may maaaring paggagamitan.

Ayon sa nabanggit na samahan, ang ganitong programa ay malaki ang maitutulong sa kanilang organisasyon lalo na sa kanilang pamumuhay.

Pinasalamatan nila ang DAR Zambales sa pamumuno ni PARPO II Engr. Emmanuel G. Aguinaldo dahil sa suporta at tulong na ibinibigay sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo at sa mga agrarian reform beneficiaries’ organizations o ARBOs.

📸  DAR Zambales

Leave a comment