PAMPANGA – arestado ang dalawang pinaghihinalaang drug suspect at nasamsam ang mahigit ₱476,000 halaga ng iligal na droga at isang baril sa magkahiwalay na anti-drug operations sa Zambales at Nueva Ecija.
Unang nagsagawa ng operasyon noong Pebrero 19, dakong alas-11:20 ng gabi, kung saan naaresto sa buy-bust operation sa Barangay San Nicolas, Castillejos, Zambales, ang isang kinilala lamang sa alyas “Bri,” 35, walang trabahong residente ng Barangay Barretto, Olongapo City.
Sa ulat ng Zambales Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), sa pakikipag-ugnayan sa Castillejos Municipal Police Station, 2nd Provincial Mobile Force Company, at Police Intelligence Unit, nakuha mula sa suspek ang 55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱374,000, isang .22 caliber Bersa firearm (serial number: 255699) at apat na live rounds.
Ang suspek ay kakasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), at Omnibus Election Code.
Kasunod naman ang buy-bust operation ganap na 3:57 ng madaling araw noong Huwebes, Pebrero 20, kung saan inaresto ng Special Drug Enforcement Unit ng Cabanatuan City Police Station ang isang alyas “Ammad,” 44, residente ng Barangay Rizdelis, Cabanatuan City.
Nakumpiska rito ng pulisya ang 15 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa ₱102,000. Nananatili sa kustodiya ng pulisya ang suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.
📸 PRO 3


Leave a comment