Nangangailangan ng karagdagang mga manggagawa para sa mga malalaking mamumuhunan na palalawakin ang kanilang operasyon sa Subic Bay Freeport zone.
Ito ang inanunsyo ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman and Administrator Eduardo Jose L. Aliño sa televised media briefing ng PTV-4 Bagong Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, Pebrero 13, kung saan sinabi niya na sa inisyal ay higit 7,000 na mga manggagawa ang kakailanganin sa Subic Bay Freeport Zone.
Pinaka prominente aniya rito ang kakailanganing trabahador sa shipbuilding project na kukuha ng 15,000 manggagawa sa loob ng tatlo hanggang limang taon, at kasalukyang nakapag-hire na ng 1,000 mga skilled workers.
“Ang pangako nila ay magha-hire sila nang as high as 15,000 workers. Nakapag-hire na yata sila ngayon ng 1,000. Therefore, we are still looking at, in the next 3-5 years, from 1,000 to 15,000,” saad ni Aliño.
Samantala, ang Sanyo Denki ay nagpaplano din umano na palawakin pa ang mga operasyon nito, at nagbabalak na magdagdag ng hindi bababa sa 1,500 o higit pang mga manggagawa, aniya.
Ang Nidec Corporation naman umano ay nagbabalak din na kumuha ng karagdagang 1,000 manggagawa.
“May mga kumpanya pa na nag-eexpand at nagdadagdag ng trabahador kaya inaanticipate ko hopefully, sana yung dagdag na yun sa 7,000 pa or more which is a possibility,” paglalahad pa ni Aliño.
Ang Sanyo Denki ay gumagawa ng mga uninterrupted power supplies, cooling fans, servo amplifiers at stepping motors habang ang kapwa Hapones nitong kumpanya na Nidec Corporation na pawang nasa Japan-run Subic Bay Techno Park ay pasilidad na lumilikha ng mga high-accuracy gearbox for the base, arm and shoulder industrial robots ng mga car manufacturing firms.
📸 Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING


Leave a comment