Ang Pahayagan

BOC – Clark nanguna sa pagsamsam sa PhP3.966 Milyong halaga ng high-grade “Kush” o Marijuana

PAMPANGA– Nasamsam ng Bureau of Customs (BOC)- Port of Clark kasama ang iba pang mga ahensiya ang 2.644 kilo ng high-grade marijuana o Kush, na tinatayang nagkakahalaga ng P3,966,000.

Napag-alaman na idineklara ang shipment bilang “Handcrafted Artificial Flower na mga Rosas, Jasmine, at Cockscomb flowers,” ngunit sa pagsusuri ay natuklasan ng mga awtoridad ang apat (4) na vacuum-sealed na plastic pouch na naglalaman ng mga tuyong dahon at fruiting top na hinihinalang high-grade marijuana.

Ang mga sample ng naturang droga ay itinurn-over sa PDEA para sa chemical analysis, kung saan nakumpirma ang substance bilang marijuana, na kabilang mga mapanganib na droga sa ilalim ng R.A. No. 9165.

Bunsod nito ay nagpalabas ng isang Warrant of Seizure and Detention para sa shipment dahil sa paglabag sa Seksyon 118(g), 119(d), at 1113 paragraph (f), (i), at (l) (3 at 4) ng R.A. No. 10863, kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng R.A. No. 9165.

Ang naturang operasyon ay binubuo ng BOC- Port of Clark, Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), kasama ang Philippine National Police—Aviation Security Group (PNP-AVSEG), Department of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), at sinaksihan ng mga lokal na opisyal mula sa Barangay Dau, Mabalacat, Pampanga.

📸 BOC-Port of Clark

Leave a comment