Ang Pahayagan

Gamit pansakahan ipinagkaloob ng DAR-Zambales

ZAMBALES—Tinanggap ng samahang Palanginan/Sta. Barbara Irrigators Association Inc. (PSIA) ang 4-Wheel Drive Tractor at Combined Harvester mula sa Department of Agrarian Reform – Zambales Office nitong Huwebes, Pebrero 12, 2025.

Pormal na iginawad ang naturang mga makinarya sa samahan matapos ang paglagda sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng DAR Zambales at PSIA na isinagawa sa tanggapan ng DAR- Zambales, sa bayan ng Iba.

Ang pamamahagi ng mga kagamitang pambukid ay nakapaloob sa programang Climate Resilient Farm Productivity Support Program ng DAR Zambales sa ilalim ng Agrarian Reform Beneficiaries Development Support Program (ARBDSP).

Tinanggap ng PSIA ang mga makinarya sa pangunguna ng kanilang presidente na si Joven Briones, at sinaksihan ito ng mga dumalong opisyales kabilang na si Zambales Boardmember Lugil Ragadio ng Sangguniang Panlalawigan Committee on Agriculture at ang Punong Bayan ng Iba Mayor Irenea Maniquiz-Binan.

Sa mensahe ni Boardmember Ragadio, pinasalamatan niya ang DAR sa napakalaking tulong na ibinibigay sa lalawigan ng Zambales na aniya ay makakatulong ng malaki at hinikayat ang bawat isa na magsama-sama at pagyamanin ang mga tulong na binibigay ng DAR.

Nagpasalamat naman si Mayor Maniquiz-Binan sa napakagandang programang ito ng DAR at sinabing ang bawat biyayang natatanggap ng kanyang nasasakupan ay kanilang pagyayamanin upang maipakita sa DAR na sila ay karapat-dapat na tumanggap ng mga biyaya.

Ayon pa sa kanya, “wala na tayong dahilan para hindi tataas ang ani, para hindi mas pagbutihin ang pagsasaka.”

Sa mensahe naman ni Provincial Agrarian Reform Program Officer II Engr. Emmanuel G. Aguinaldo, sinabi niya na ang pagsasaka ay isang negosyo at hinikayat na gawing income generating ang mga makinarya upang kumita ang asosasyon.

Inihayag din niya ang dapat ay malaman ng miyembro kung magkano ang kita ng mga makinaryang ito upang maging malinaw at transparent sa lahat nang sa ganun ay maiwasan ang mga pagdududa ukol dito.

Bilang tugon, nagpasalamat ang mga miyembro ng PSIA sapagkat sila ang mapalad na napiling organisasyon sa lalawigan ng Zambales na pinagkalooban ng mga makinaryang ito.

“Kami po sa Palanginan-Sta. Barbara Irrigators Association ay taos pusong nagpapasalamat sa pinagkaloob ninyo sa amin, ito po ay napakalaking bagay sa aming organisasyon ng sa ganun na mas lalo naming mapaunlad ang pagsasaka at lalong matulungan po ang kasamahang magsasaka na mabawasan po ang gastos sa pagsasaka,” pahayag Briones.

📸 DAR-Zambales

Leave a comment