ZAMBALES– Tinulungan ng Philippine Coast Guard (PCG) lulan ng BRP Cabra (MRRV-4409) upang maihatid ang namatay na tripulante ng FB El Kapitan malapit sa Silanguin Island nitong Lunes, Enero 27, 2025.
Kinilala ang nasawing mangingisda na si Elpidio Lamban, 58-anyos, residente ng Barangay Calapacuan, Subic, Zambales, na umano’y nakaranas ng hirap sa paghinga at pagsusuka ng dugo sa gitna ng pangingisda, ayon sa impormasyong ibinigay ni Michael Vasquez, ang skipper ng FB El Kapitan.
Agad naman ang pagsaklolo ng PCG vessel papuntang FB El Kapitan na nasa 70 nautical miles timog-kanluran ng Silanguin Island para sa maayos na transportasyon ng bangkay.
Ang BRP Cabra ay inaasahang darating sa Subic Bay Freeport ngayong araw, Enero 28, 2025. Agad din na nakipag-ugnayan ang Coast Guard Station – Zambales sa naulilang pamilya para sa disposisyon, kabilang ang reception, ambulance transport, at funeral services ng biktima.
Sa gitna ng nagpapatuloy na humanitarian operation, ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) ang kasalukuyang nagpapatrolya sa baybayin ng Zambales.
PCG


Leave a comment