Ang Pahayagan

Zambales Mt. Pinatubo adventure season, sumikad na

ZAMBALES– Nagsimula nang mag-book ang Botolan Tourism Office nitong Enero 13 ng mga package tour para sa Mt. Pinatubo crater lake adventure tour, kasunod ng ginawang dry run at pulong ng mga tour guide at drivers tungkol sa mga safety protocol bahagi ng paghahanda hinggil rito.

Ayon kay Gennessy Villar ng Botolan Tourism Office, ang Mt. Pinatubo adventure tour ay taunang promotional project ng Botolan LGU mula Enero hanggang Mayo.

Kasama sa P1,950 tour package ang 4×4 vehicle transportation, tour guide, environmental fee, at access sa creek swimming area, swimming pool, at shower room sa Camp Kainomayan, na nagsisilbing jump-off point ng bawat aktibidad.

Magsisimula ang paglalakbay ika-6 ng umaga mula sa Kainomayan malapit sa Bucao River, kung saan ang mga sasakyang 4×4 ang maghahatid ng mga bisita sa pagtawid sa mga ilog, lahar, at mga burol na nabuo ilang taon na ang nakalilipas sa pamamagitan ng cascading volcanic debris.

Hihinto ang caravan sa ilang partikular na lugar upang payagan ang mga bisita na kumuha ng kanilang mga larawan sa gitna ng isang surreal na tanawin ng tumigas na mga volcanic ejecta.

Pagkatapos ng dalawang oras na biyahe, magsisimula ang tatlong kilometrong lakarin patungo crater lake. Inaasahang mararating ng mga trekker ang summit bandang alas-9 ng umaga.

Nabatid pa kay Villar na ang oras ng lakarin ay naging mas maikli kumpara sa halos tatlong oras noong unang naitatag ang rutang Botolan na naging 45 minuto na lamang sa kasalukuyan.

Ang pag-akyat aniya ay medyo madali na din kung saan pwede na ito sa mga bisitang ang edad 7-anyos hanggang 65 taong gulang.

Leave a comment