Ang Pahayagan

1st maritime cooperative activity ng PH at US para sa 2025 inilunsad sa Palawan

Nagsagawa ang pinagsanib na naval at air units ng Pilipinas at Estados Unidos ng kauna-unahang maritime cooperative activity (MCA) ngayong taon sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay AFP public affairs office chief Col. Xerxes Trinidad, ginawa ang MCA noong Enero 17 at 18 sa karagatang sakop ng Palawan.

Kasama sa isinagawang pagsasanay sa panig ng US ang USS Carl Vinson (CVN-70) carrier strike group na kinabibilangan ng Ticonderoga-class guided missile cruiser USS Princeton (CG-59), Arleigh Burke-class guided-destroyer USS Sterett (DDG-104), isang MH-60 Seahawk helicopter, isang V-22 Osprey helicopter, at dalawang F-18 Hornet jet fighter na pawing nasa ilalim ng US Indo-Pacific Command.

“Philippine assets involved in the activity included the BRP Antonio Luna (FF-151), BRP Andres Bonifacio (PS-17), two FA-50 fighter aircraft, and Philippine Air Force search-and-rescue assets,” ani Trinidad.

Ito ang ikalimang MCA sa pagitan ng AFP at mga yunit militar ng US mula nang magsimula ang mga pagsasanay noong Nobyembre 2023 na naglalayon na mapagtibay ang bilateral maritime cooperation at interoperability sa pagitan ng dalawang bansa.

📸 Ang mga barko ng Pilipinas at Estados Unidos habang nagsasagawa ng MCA sa West Philippine Sea (PAOAFP)

Leave a comment