Ang Pahayagan

Php28M na halaga ng marijuana nasabat

Tinatayang humigit-kumulang sa Php28 milyong halaga ng hinihinalang “Marijuana” ang nasakote gayundin ang isang granada mula sa dalawang kalalakihang naaresto sa isang checkpoint operation, gabi ng Enero 14 sa Roxas, Isabela.

Nabatid mula sa ulat ng Police Regional Office 2 na ang insidente ay naganap bandang alas-10:30 ng gabi habang kasalukuyang nagsasagawa ng checkpoint ang mga kapulisan nang isang itim na SUV ang sumubok na umiwas sa checkpoint na nagresulta sa pagkakasabit nito sa nakaparadang Police patrol car.

Agad namang nagsagawa ang PNP Roxas ng hot-pursuit operation at nakipag-ugnayan sa mga malalapit na himpilan ng pulisya upang mahuli ang nasabing sasakyan. Makalipas ang mahigit dalawang oras na habulan, nakorner ng kapulisan ang nasabing sasakyan sa Brgy. Centro, Mallig, Isabela.

Agad na naaresto ang dalawang lalaking lulan ng nasabing SUV na kinilala lamang sa mga alyas na “Jomel” at “Rico”, pawang mga 30 taong gulang at mga residente ng Baranka Ilaya, Mandaluyong City.

Sa paghahalughog ng mga kapulisan sa nasabing SUV ay nakita ang 222 na mga bloke ng hinihinalang Marijuana na umabot sa Php26,640,000.00 ang halaga, 19 na piraso ng rolled Marijuana na nagkakahalaga ng Php2,280 000.00, at isang granada.

Pinuri naman ni P/BGen Antonio Marallag Jr., Punong Direktor ng PRO2 ang mga kapulisang nasa likod ng matagumpay na operasyon.

“Ang malaking operasyong ito ay sumasalamin sa kahalagahan ng pagmamando sa mga checkpoints ng ating mga kapulisan upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa ating nasasakupan. Sisiguruhin nating 24/7 na nakabantay ang ating mga kapulisan upang masugpo ang iligal na droga at kriminalidad dito sa Lambak ng Cagayan,” saad ni Marallag.

Ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay nasa kustodiya ng PNP Roxas para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Leave a comment