PAMPANGA– Dalawamput-lima (25) katao ang arestado sa Central Luzon sa umiiral na gun ban na nagsimula nitong Linggo, Enero 12, ayon sa Police Regional Office (PRO) 3.
Nabatid kay PRO 3 chief Brig. Gen. Jean Fajardo na kabilang sa mga inaresto ang walong lumabag mula sa lalawigan ng Nueva Ecija; tig-anim sa Pampanga at Bataan; tatlo sa Zambales at dalawa sa Bulacan na pawang nasakote sa mga isinagawang checkpoint operations.
Naglunsad ng sabay-sabay na checkpoint operations sa buong rehiyon umaga pa lamang ng Linggo kung saan 314 na checkpoints ang naitatag at 2,438 police personnel ang na-deploy upang ipatupad ang gun ban.
Hinikayat ni Fajardo ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa panahon ng checkpoint operations habang tinitiyak naman ng kapulisan ang pagsunod sa mga alituntunin at paggalang sa karapatan ng mga mamamayan.
Pinapaalalahanan din ang mga motorista na magdahan-dahan, i-dim ang headlight ng sasakyan, buksan ang mga ilaw, at agad na tumugon kapag nilapitan ng mga pulis sa mga checkpoint.
Bilang pangkalahatang tuntunin, tanging ang mga unipormadong pulis, militar at mga miyembro ng mga ahensyang nagpapatupad ng batas at habang nasa opisyal na tungkulin ang pinapayagang magdala ng mga baril sa buong panahon ng halalan.
Ang mga lumalabag ay nahaharap sa mahigpit na parusa mula isa hanggang 12 taong pagkakakulong.
📸 Ipinakita ni Police Regional Office (PRO) 3 Director Brig. Gen. Jean Fajardo ang mga nakumpiskang baril mula sa 25 na lumabag sa unang araw ng election gun ban sa Central Luzon. Ang naturang gun ban para sa 2025 midterm polls ay tatagal hanggang Hunyo 11. (PRO 3)


Leave a comment