Ang Pahayagan

‘Monster ship’ ng China muling nagbalik sa Zambales

ZAMBALES—Naharang ng BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard (PCG) ang muling pagtatangka ng tinaguriang “monster ship” ng China Coast Guard (CCG) 5901 na na makalapit sa baybayin ng Zambales.

“Sa kabila ng mala-dambuhalang laki ng CCG-5901, ang PCG vessel ay matapang na lumapit sa starboard side nito nang malapitan at epektibong hadlangan ang tangka ng China Coast Guard vessel na lumipat patungo sa baybayin ng Zambales,” saad sa pahayag ng PCG.

Napag-alaman sa PCG na nitong Sabado, muling humalili ang “monster ship” vessel 5901 sa isa pang Chinese vessel sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas at nakaposisyon sa 97 nautical miles sa baybayin ng Zambales.

Ang vessel 5901 ay may sukat na 165 metro at 12,000 tonelada ang humalili sa CCG 3304.

Hindi rin nilulubayan ng PCG ng mga radio challenge ang nanghimasok na Chinese vessel na lumabag sa batas sa paglalayag sa 200-nautical-mile EEZ ng Pilipinas.

“Patuloy na nakipag-ugnayan ang PCG sa radyo, na nagpapaalala sa Chinese crew na labag sa batas ang kanilang operasyon sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas at walang legal na awtoridad na magsagawa ng maritime patrols,” sabi ng pahayag.

Una nang namataan ang monster ship sa Capones Island, Zambales at natunton na naglayag din malapit sa Lubang Island, Occidental Mindoro. Una nang sinabi ni Commodore Jay Tarriela, spokesperson for West Philippine Sea, na waring gustong palabasin ng China na parang new normal ang pananatili nila sa WPS at layon din na maitaboy ang mga mangingisdang Pilipino.

Leave a comment