Ang Pahayagan

Khonghun kinondena ang panghihimasok ng CCG “monster ship” sa karagatang sakop ng Zambales

Nagpahayag ng galit at pagkondena si House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun kaugnay sa umano’y presensiya kamakailan ng “monster ship” ng Chinese Coast Guard sa karagatan malapit sa Capones Island sa San Antonio, Zambales.

Pinaratangan ng mambabatas ang barko ng CCG ng pambubuli at nagpapakita aniya ng nakaaalarmang agresyon sa panghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas at sa exclusive economic zone (EEZ) nito.

“Ang mga barkong ito ay simbolo ng pambu-bully na hindi natin dapat palampasin,” saad ni Khonghun hinggil sa pamamalagi ng tinaguriang “CCG monster ship” sa loob ng teritoryo ng bansa nang mahigit apat na araw.

Binanggit ng House Committee on Bases Conversion chairman na ito ay hindi lamang isang paglabag sa internasyonal na batas kundi isang direktang pagsuway sa soberanya ng Pilipinas.

Naniniwala ang mambabatas na ang ganitong aksiyon ay hindi lamang banta sa ating teritoryo kundi maging sa seguridad ng bansa at kabuhayan ng mga lokal na mangingisda.

“Ang mga ganitong aksyon ay hindi lang banta sa ating teritoryo, kundi pati na rin sa seguridad at kabuhayan ng ating mga kababayan na nakadepende sa ating karagatan,” pagdidiin ng Kongresista.

Nanawagan ang kinatawan ng Zambales sa Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na dagdagan pa ang kanilang presensya sa lugar upang mahadlangan ang ganitong insidente.

“Hindi dapat tayo matakot. Kailangan nating ipakita sa mundo na kaya nating ipaglaban ang ating mga karapatan sa ilalim ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea),” pagdidiin pa ni Khonghun.

Leave a comment