Mahigpit na binantayan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pinakamalaking barko ng China Coast Guard (CCG), nang namataan ito 54 nautical miles mula sa Capones Island sa San Antonio, Zambales nitong Sabado, Enero 4.
Nabatid sa ulat ng PCG na kumpirmadong ang tinaguriang “monster ship” ng China Coast Guard (CCG) ang nakitang pumasok sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Gamit ang dark vessel detection system ng Canada, natukoy ng PCG ang pagpasok ng naturang Chinese vessel kung kaya’t agad namang nagtungo ang (BRP) Cabra at ang caravan ng PCG kung saan nakumpirma ang presensya nito.
Nagsagawa ng challenge ang PCG sa naturang sasakyang pandagat at bandang alas-8 kagabi ay nakita itong patungo nang kanluran at nasa layong 85 nautical miles mula Zambales.
Kasunod nito, tiniyak ng PCG na patuloy ang kanilang pagbabantay sa naturang CCG vessel upang masiguro na ligtas na nakakapangisda ang ating mga kababayan sa loob ng Exclusive Economic Zone.
📸 PCG


Leave a comment