Ang Pahayagan

Mangingisda nailigtas, dalawang kasamahan nito patuloy na hinahanap ng PCG

ZAMBALES– Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang mangingisda mula sa tumaob na banka habang patuloy pa rin ang paghahanap sa dalawa pang kasamahan nito sa karagatang sakop ng Subic, Zambales noong Biyernes, Disyembre 29, 2024.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng tawag ang BRP Suluan (MRRV-4406) mula sa MV Sao Heaven hinggil sa namataang tumaob na banca sa karagatan ng Subic. Patungo sana ang naturang barko sa Bajo de Masinloc upang magsagawa ng search and rescue (SAR) operations kaugnay sa natanggap na tawag mula sa Coast Guard Station (CGS) Zambales hinggil sa tatlong nawawalang mangingisda na lulan ng isang maliit na fishing banca (Jiong) na tumaob dahil sa nasirang katig.

Nang marating ang lokasyon ay nailigtas mula sa tumaob na bangka ang isang kinilalang Lindo Sumalilo, 54-anyos, residente ng Barangay Calapandayan, Subic, Zambales.

Napag-alaman kay Sumalilo na umalis sila sa Subic patungo sa Cabra Island upang mangisda nang mangyari ang aksidente.

Sinabi pa niya na kasama niya ang dalawa pang kapwa mangingisda na kinilala lamang niya na sa pangalang Limoot, 54-anyos at Tabios, 40-anyos, na nananatiling nawawala habang sinusulat ang ulat na ito.

Matapos matiyak na nasa maayos na pisikal na kondisyon ang nasagip na indibidwal ay hinila ng BRP Suluan ang tumaob na Bangka patungong Subic.

Ipinagpapatuloy pa rin ng PCG ang search and rescue at nakikipag-ugnayan din sa mga transiting vessel para sa posibleng makakita sa dalawang nawawalang mangingisda.

Leave a comment