Ang Pahayagan

Online sellers ng paputok sinakote ng kapulisan

Tatlong online sellers ng iligal na paputok ang arestado ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa isinagawang police operation sa Kalakhang Maynila at Olongapo City kamakailan.

Sa naantalang ulat na inilabas nitong Huwebes, Disyembre 19 ni ACG public information officer Lt. Wallen Arancillo, nakumpiska mula sa tatlong suspek ang 541 mga paputok sa tatlong magkakahiwalay na operasyon na isinagawa sa Abad Santos St., Tondo, Maynila noong on Disyembre 6; Barangay East Bajac-Bajac, Olongapo City noong Disyembre 11; at sa Lapu-Lapu Avenue, Malabon City nitong Disyembre 16.

Nakumpiska ng kapulisan ang 300 piraso ng “Five Star” fire cracker; 80 piraso ng “Kwitis”; 50 piraso ng “Pastillas”; 35 piraso ng “Kingkong”; 30 piraso ng “Whistle Bomb”; 20 piraso ng “Kabase” at “Tuna”; tatlong “Judas Belt” na may 100 rounds ng piraso ng “Goodbye Philippines at isang “Fountain” na may kabuoang halaga na P14,370.

Pansamantalang hindi inihayag ng ACG ang mga pangalan ng mga suspek habang inihahanda ang kasong isasampa sa mga ito.

Nakasaad din sa ulat na ang naturang mga operasyon ay ginawa sa gitna ng anunsyo ng PNP Civil Security Group ng malawakang crackdown umano sa online na pagbebenta ng mga iligal na paputok habang papalapit ang pagdiriwang ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

📸 PNP-ACG

Leave a comment