Ang Pahayagan

DBM inanunsyo ang mataas na Gratuity Pay para sa mga JO/COS workers ng gobyerno

Mula P5,000 noong 2023, tatanggap na ng P7,000 gratuity pay ang mga contract of service (COS) at job order (JO) workers ng gobyerno nang hindi mas maaga sa Disyembre 15, 2024.

Ito ay inanunsyo ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman, kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa paglalabas ng Administrative Order (AO) No.28 na nagbibigay pahintulot sa mas mataas na Gratuity Pay para sa COS at JO workers ng gobyerno para sa FY 2024.

Ayon sa AO, ang mga JO at COS personnel na may kabuuang apat (4) na buwan o higit pang satisfactory service performance hanggang Disyembre 15, 2024, at may bisa pa ang kontrata sa parehong petsa, ay entitled na tumanggap ng Gratuity Pay.

“The last increase in the Gratuity Pay rate happened way back in 2021, kung saan tinaasan po ito from P3,000 to P5,000. Kaya nagpapasalamat po tayo kay Pangulong Bongbong Marcos because under his term, we will be increasing the Gratuity Pay for qualified COS and JO workers in government from P5,000 to P7,000,” ani Pangandaman.

“Malaking bagay po ito. Isa po sa isinaalang-alang natin dito ‘yung pagtulong sa ating mga manggagawa, lalo’t magpapasko po at sunud-sunod ‘yung nangyaring kalamidad sa bansa ngayong taon,” dagdag ni DBM Secretary.

“Hindi po natin pababayaan ang ating mga COS at JO personnel dahil malaki rin po ang ambag nila sa ating bansa. Hindi po matatawaran ang serbisyo nila sa publiko. Ayaw po natin na maging empty handed sila ngayong Pasko at Bagong Taon,” saad pa nito.

Ang mga manggagawa na nakapaglingkod ng mas mababa sa 4 na buwan na satisfactory performance hanggang Disyembre 15 ay maaari pa ring mabigyan ng Gratuity Pay para sa FY 2024 nang pro-rata basis.

Ang mga COS/JO workers na nakapagsilbi nang tatlong (3) buwan ngunit mas mababa sa 4 na buwan ay tatanggap ng Gratuity Pay na hindi lalagpas sa P6,000. Samantala, ang mga nakapag-render ng dalawang (2) buwan ngunit mas mababa sa 3 buwan ay tatanggap ng hindi lalagpas sa P5,000, at ang mga nakapagserbisyo nang mas mababa sa 2 buwan ay tatanggap ng hindi lalagpas sa P4,000. (pr)

Leave a comment