Ang Pahayagan

Ang badyet sa edukasyon para sa 2025, mas mataas sa DPWH ng P22-B – Cong. Khonghun

Nananatiling pangunahing priyoridad ng Kongreso sa 2025 national budget ang sektor ng edukasyon taliwas sa mga ispekulasyon na binigyan ng mas mataas na alokasyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) kesa rito.

Ito ang naging paglilinaw ni Assistant Majority Leader Jefferson “Jay” Khonghun ng Zambales 1st District na nagsabing ang budget para sa sektor ng edukasyon ay hamak na mas mataas ng PHP22 bilyon kung ikukumpara sa DPWH.

“Hindi totoo na mas malaki ang budget ng DPWH kaysa sa edukasyon sa ating national budget,” ani Khonghun.

Sinabi pa ni Khonghun na ang kabuuang budget sa edukasyon ay PHP1.055 trilyon, habang ang DPWH ay magkakaroon ng PHP1.033 trilyon para sa taong 2025.

Nabatid pa sa mambabatas na ang karagdagang pondo para sa imprastraktura na may kaugnayan sa edukasyon ay nagkakahalaga ng PHP14.76 bilyon at ang salary differential sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 64 na nagkakahalaga ng PHP60.59 bilyon ang lalo pang nagpataas ng kabuuang badyet sa edukasyon sa PHP1.055 trilyon.

Aniya, kahit na may dagdag na PHP1.2 bilyon para sa salary differentials sa ilalim ng EO 64, ang kabuuang halaga para sa DPWH ay nasa PHP1.033 trilyon pa rin.

“Malinaw po na hindi pinapabayaan ng administrasyon ang edukasyon. Pinakamalaki pa rin ang alokasyon para sa edukasyon dahil ito ang pundasyon ng ating kinabukasan,” pagdidiin pa ni Khonghun.

Leave a comment