Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) na magpatupad ng praktikal na solusyon para mapalakas ang proteksyon ng mga konsyumer laban sa mga scam, pekeng produkto, at hindi patas na negosyo.
Ginawa niya ang panawagan sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship nitong Martes, December 17, 2024, kung saan tinalakay ang mga problema ng mga mamimili at mga panukalang amyenda sa “Consumer Act of the Philippines” at “Price Act.”
Bilang Committee Chair, binigyang diin ni Cayetano ang pangangailangan ng mas epektibong mga hakbang para ma-protektahan ang publiko at maibalik ang tiwala ng mga mamimili.
“More than 30 years na rin pala [since the Consumer Act and Price Act were enacted into law]. [Outdated na kasi] noong 1992, halos wala pa ring e-commerce noon,” wika ng senador.
Pagkatapos talakayin ang paglaganap ng mga pekeng produkto at scams, iminungkahi ni Cayetano sa DTI at DA na magpatupad ng mga praktikal na gawain laban sa mga modernong panloloko at hindi patas na gawain.
Una, iminungkahi ng senador na isama ang media sa mga raid para maging halimbawa sa taumbayan na walang sinuman ang pwedeng lumabag sa batas.
“Kapag may raid kayo, magsama kayo ng media. Develop your in-house vlogger para nakikita ng tao na nanghuhuli kayo,” aniya.
“Sampolan nang sampolan para maging aware ang ating wholesalers and retailers. There will be less excuses kasi nakita na walang exemption iyan,” dagdag pa niya.
Pangalawa, binigyang diin ni Cayetano ang pag-amyenda sa batas upang magpataw ng tamang parusa na may mabilis na hatol.
“The science behind criminology is the certainty of being caught; that’s key. So for example, kapag may death penalty tayo pero wala namang nahuhuli, kumpara sa isang linggong kulong pero nahuhuli lahat, mas takot ang tao sa isang linggong kulong,” sabi niya.
Sa kasalukuyan, ang parusa sa ilalim ng Consumer Act para sa mga mapanlinlang na gawain ay multa na P5,000 hanggang P10,000 at/o limang buwan hanggang isang taon na pagkakakulong.
Dagdag pa rito, hinikayat ni Cayetano ang mas maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya upang mapigilan ang pagkalat ng mga mapanlinlang na aktibidad.
Ginawang halimbawa ng senador ang Singapore at Hong Kong na may anti-scam centers kung saan magkasama ang mga kinatawan ng pulis, telecommunication companies, at mga bangko sa iisang lugar para labanan ang panloloko.
“Sa Singapore at Hong Kong, kapag complain mo, hindi ka lang agad pupuntahan ng pulis, isa-stop din agad ang payment. It’s done in a few hours,” sabi ng senador.
“They also got the banks, police, and telcos in one room, at sila na nag-uusap kung ano pwede o hindi. I don’t know ano ang version natin, but I do know na napakagagaling ng barangay officials, LGUs, and police natin when they coordinate as one,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Cayetano ang kahalagahan ng pagtutok ng Senado sa mga isyung ito, at nanawagan para sa komprehensibong aksyon laban sa scams, pekeng produkto, at hindi patas na negosyo.
“It’s important that we use the Senate floor na may consequences ang unfair practices na ito. This isn’t a cure-all, but let’s try to address these problems comprehensively because all of these are problems of our consumers,” sabi niya. (PR)


Leave a comment