SUBIC BAY FREEPORT– Inaresto ng Bureau of Immigration (BI), sa pakikipag-ugnayan sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), ang anim na mga undocumented Chinese nationals sa Trillo Bay Villas nitong Disyembre 12 alinsabay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin pa ang pagpapatigil sa operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) saan mang panig ng bansa.
Nabatid sa press statement ng SBMA na hinuli ang naturang mga Intsik matapos ipatupad ng mga opisyal ng BI, kasama ang mga operatiba ng SBMA, ang mission order para arestuhin ang mga suspek sa inuupahang Kim’s Apartment ng mga ito sa loob ng nasabing villa.
Agad na dinala ang anim na akusado sa opisina ng BI sa Intramuros, Maynila kung saan ipoproseso ang kasong posibleng kaharapin ng mga ito.
Napag-alaman naman mula kay Atty. Melvin Varias, OIC ng Deputy Administrator for Legal Affairs at Manager ng Labor Department ng SBMA na ang anim ay kabilang sa 57 Chinese nationals na dating nagtatrabaho sa TeleEmpire Incorporated, isang accredited back office solutions provider sa Subic Bay Freeport.
Sa 57 Chinese nationals na nagtrabaho doon, anim sa kanila ang bumalik na sa kanilang bansa habang 20 ang naaresto sa isang raid kamakailan sa isang bahay sa Kalayaan housing area dito na ginamit bilang ilegal na pasilidad ng POGO.
Nauna rito ay muling nagpalabas ng direktiba si Pangulong Marcos na mahinto ang POGO operations sa ginanap na 2nd Joint National Peace and Order Council (NPOC)-Regional Peace and Order Councils (RPOCs) meeting sa Camp Crame sa Quezon City.
Nais ng Pangulo na pa-igtingin ng Philippine Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), Philippine National Police (PNP), at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang operasyon laban sa mga POGO na patuloy pa rin sa operasyon sa kabila ng pagbabawal.
Hiniling din niya sa mga local chief executive na makipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pagtugis sa mga POGO sa kani-kanilang hurisdiksyon.
Ang mga local government units (LGUs) ay may kakayahan na matukoy umano ang mga kahina-hinalang ilegal na aktibidad sa kanilang mga komunidad, lalo na ang may kinalaman sa POGOs, saad pa ng presidente.
📸 SBMA

Leave a comment