PAMPANGA– Labing pitong mga umano’y kasapi sa rebeldeng komunistang grupo ang sumuko sa pulisya, ayon sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 3 nitong Martes, Disyembre 10.
Nabatid kay PRO Central Luzon Director Brig Gen Redrico Maranan, unang sumuko ang 15 mga aniya miyembro ng Liga ng Manggagawang Bukid (LMB) sa ilalim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) dakong alas-11 ng umaga noong Disyembre 9 sa Barangay Bunol, Guimba, Nueva Ecija.
Kabilang sa mga sumuko ang kinilala lamang sa kanilang mga alyas na Iza, Bebe, Cindy, Auring, Fidel, Josie, Josa, Juday, Vane, Mayo, Len, Maring, Quel, Roma at Yolly.
Nasundan pa ito ng pagsuko ng isang alyas Matwa, na miyembro din ng Alyansang Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL-KMP), sa Pampanga 2nd PMFC (Provincial Mobile Force Company) sa Barangay San Pablo, Sta Ana, Pampanga, na nagsurender ng isang rifle grenade. .
Sumuko din ang isang alyas Lei, miyembro rin ng AMGL-KMP, sa Barangay Consuelo, Macabebe, Pampanga na nagbalik ng 40mm na bala.
“Ang mga boluntaryong pagbabalik-loob na ito ay patunay ng tagumpay ng ating pinagsamang pagsisikap na tuldukan ang insurgency,” saad ni Maranan.
📸 Police Regional Office 3


Leave a comment