Nagsagawa ng protesta ang mga mangingisda mula sa iba’t ibang lalawigan sa pangunguna ng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) alinsabay sa ginugunitang World Fisheries Day nitong Huwebes, Nobyembre 21.
Kabilang sa mga nagprotesta sa Mendiola sa Maynila ang mga mangingisda mula sa mga lalawigan ng Zambales, La Union, Cavite, at National Capital Region.
Kabilang sa mga isyung ibinulalas ng mga mangingisda ang hinggil sa naamyendahan nang Fisheries Code of Republic Act 10654 na umaapekto umano sa mga communal fishing grounds ng mga maliliit na mamamalakaya.
Apektado din umano sila ng mga umiiral na patakaran sa importasyon na negatibong nakakaapekto sa produksyon ng isda at dagdag pa rito ang mga nagaganap na reclamation projects, lalo na sa Manila Bay na sumisira sa marine ecosystem.
Tampok din na usapin ang West Philippine Sea dahilan anila sa mga patakarang panlabas na tumanggap ng interbensyong militar sa dayuhan na lalo pang nagpapataas ng tension rito.
Binatikos ni Joey Marabe, Pamalakaya-Zambales provincial coordinator, ang kasalukuyang administrasyon dahilan umano sa “kabiguan nitong isulong ang mapayapang pagresolba sa pinagtatalunang teritoryo”.
“Imbes na mapayapang resolusyon, pinahintulutan pa ni Pangulong Marcos ang dayuhang interbensyong militar na nagpalala lamang ng tensyon sa ating teritoryo,” giit ni Marabe.
📸 Pamalakaya Pilipinas


Leave a comment