Ang Pahayagan

Looc Lake Festival, inilunsad

ZAMBALES — Ginanap ang kauna-unahang Looc Lake Festival alinsabay sa dalawang araw na pagdiriwang sa kapistahan ng Barangay Looc nitong Linggo at Lunes, Oktubre 27-28 sa Castillejos, Zambales.

Tampok na aktibidad sa pagdiriwang ang Balsa making contest na ginawa sa Looc Lake.

Ayon kay Barangay Kagawad Nicky Santos, ginawa ang aktibidad sa Lawa ng Looc dahilan sa naturang lawa aniya nagmumula ang ikinabubuhay ng mayorya ng mga residente sa kanilang lugar.

“Ang balsa ay sumisimbolo ng paglalakbay at pagsasakripisyo, ang bawat tikin (kawayan) ay sagisag ng pagkakaisa at pagtutulungan ng ating komunidad,” diin ni Santos.

Dumalo din pagtitipon si Castillejos Vice-Mayor Christian Niño Esposo na humikayat sa pamunuan ng barangay na gumawa ng ordinansa na magdedeklarang maging taunan ang naturang pagdiriwang.

Sa pamamagitan aniya nito ay maipaparating sa konseho ng bayan ang tungkol sa Looc Festival upang magawan din ng hiwalay na Sanggunian Resolution na magiging daan upang ganap itong mabigyan ng kaukulang pondo sa hinaharap.

Ang mga samahang sibiko na kinabibilangan ng CWL, Tau Gamma Phi Fraternity, LGBTQ at 4Ps, ang nakilahok sa mga ginawang balsa na inilibot sa Looc Lake.

Ang Barangay Looc ang ikalawang barangay na may malawak na lupain sa Castillejos na umaabot sa higit 2,000 hektarya ng pinaghalong kapatagan at bahagyang bulubunduking lupain.

Nasa naturang barangay ang Looc Lake at ang Carmelite Monastery na mga pangunahing destinasyong panturismo ng munisipalidad ng Castillejos. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Leave a comment