ZAMBALES– Hinihiling ngayon ng isang lider ng katutubong Aeta na tanggapin at iproseso ng Commission on Elections (Comelec) ang kanyang certificate of candidacy (COC) at payagan siyang kumandidato sa pagka-gobernador ng lalawigang Zambales.
Balak sanang kaharapin ni Chito Balintay Sr., 66, si incumbent Gov. Hermogenes Ebdane Jr., sa darating na eleksyon sa sususnod na taon.
Si Ebdane ay naghain din ng kanyang COC para tumakbo para sa kanyang ikatlo at huling termino at nanatiling walang kalaban, batay sa tala ng Comelec.
Si Balintay naman ay isang pinunong Aeta na kabilang sa mga katutubo ng Zambales. Nagsilbi siyang kinatawan ng mga katutubo bilang ex-officio Board Member ng Sangguniang Panglalawigan. Siya rin ang kauna-unahang Provincial Officer ng National Commission on Indigenous Peoples sa Zambales.
Sa kanyang petisyon, sinabi ni Balintay na siya umano kasama ang ilang tagasunod na Aeta ay dumating sa Provincial Comelec Office sa bayan ng Iba upang isumite ang kanyang COC bandang 4:35 ng hapon noong Oktubre 8, ang huling araw ng paghahain ng COCs.
Dagdag pa niya na sinabihan siya ng isang clerk na kulang umano ng isa pang kopya ang kanyang COC ay wala pa din ang kinakailangang documentary stamps. Inatasan siyang ayusin muna ito at bumalik na kumpleto na ang mga dokumento.
Ngunit sinabi ni Balintay na sa kanyang pagbabalik kalaunan ay tinanggihan ng Comelec ang kanyang aplikasyon, dahil alas-5:03 na ng hapon at lagpas na sa itinakdang oras sa pagpapasa ng mga COC.
Naratnan din daw ng grupo ni Balintay si Gob. Ebdane at mga supporter nito nasa tanggapan ng Comelec, saad sa sinumpaang salaysay ni Balintay.
Sa Verified Petition na isinumite ni Atty. Genaro Montefalcon, Counsel for the Petitioner nakasaad rito na “petitioner Chito Balintay is a prominent figure within the indigenous peoples of Zambales, specifically the Aeta community. His candidacy is not only a beacon of representation for the indigenous population but also a testament to the rich cultural heritage of our country and region in general and the province of Zambales in particular which the latter is the home of the Aetas in the Philippines. By running for gubernatorial position, Mr. Balintay seeks to elevate the voices of the marginalized, especially the indigenous population and ensure the active participation in the political landscape of the province.”
“The refusal to accept the COC despite the timely return also constitutes an undue barrier to his candidacy and violates his right to participate in the electoral process,” pagdidiin pa sa petisyon.


Leave a comment