Ang Pahayagan

Php 14.6M halaga ng Shabu nabingwit ng mga mangingisda sa Bataan, Zambales

ZAMBALES— Narekober ng mga lokal na mangingisda ang humigit-kumulang sa 2,150 gramo ng crystal methamphetamine (shabu) na nagkakahalaga ng Php 14.62 milyon sa dalawang magkahiwalay na insidente sa karagatan ng Zambales at Bataan nitong Lunes, Oktubre 14.

Ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Zambales, bandang alas-5:00 ng hapon nang makuha ng walong mangingisda mula sa Barangay Matain sa Subic, ang dalawang plastic bag na naglalaman ng humigit-kumulang 1,800 gramo ng shabu.  na tinatayang nagkakahalaga ng Php 12.24 milyon. Natagpuan umano ang mga iligal na droga na lumulutang malapit sa Lubang Island.

Nasundan pa ito bandang alas-7:04 ng gabi nang marekober naman ng isang mangingisda mula sa Barangay Camaya sa Mariveles, Bataan ang isang plastic bag na naglalaman ng humigit-kumulang 350 gramo ng shabu, na nagkakahalaga ng Php 2.38 milyon.

Ang mga narekober na iligal na droga ay itinurn-over sa mga tanggapan ng PDEA sa Zambales at Bataan at ililipat sa PDEA National Headquarters para sa karagdagang imbestigasyon.

Bunsod ng insidente ay magkasanib na magsasagawa ng imbestigasyon ang PDEA Zambales at Bataan upang matukoy ang pinagmulan ng droga.

Leave a comment