OLONGAPO CITY – Inilunsad ng businessman, showbiz promoter at dentistang si Arnold Vegafria ang kanyang mayoralty bid nang maghain ito ng kanyang certificate of candidacy nitong Lunes, Oktubre 07, 2024.
Bitbit ang panawagang “Anak ng Gapo, Bangon Olongapo, Bagong Olongapo” nais umano ni Vegafria na manumbalik ang dating ningning sa industriya ng turismo sa siyudad. Ipinakita nito ang kanyang mga plano sa pamamagitan ng video presentation sa harap ng mga naimbitahang kasapi ng media at suporters.
Tatakbo siya para pagka-alkalde sa ilalim ng patidong PDP-Laban ni dating pangulong Rodrigo Duterte subalit nilinaw nito na suportado din niya ang kasalukuyang liderato ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
Sakaling mahalal aniya, inaasahan ang radikal na pagbabago sa landscape ng lungsod sa pamamagitan ng pagpapagawa sa ilang pangunahing imprastraktura. Layunin aniya na pasiglahin ang matagal nang natutulog na industriya ng turismo at negosyo rito.
“Alam ko na magiging mahirap itong maisakatuparan subalit sa tulong ng mga key players sa business industry ay kaya nating baguhin ang lungsod ng Olongapo upang maibalik ang economic at tourism boom na tinatamasa nating lahat ilang dekada na ang nakalipas,” pagdidiin ni Vegafria.

Kabilang sa kanyang supporter ang ilang kilalang businessmen at mga community leaders ng siyudad. Binubuo ang Anak Ng Gapo Team nina Ian Vegafria-Bautista, Macky Alonzo, Erick “DJ Elmo” Ison, Pocholo Galian, Derrick Manuel, Jan Abarro, Bong Tocayon, Tina de Leon, Oliver Guerrero, Jerome Ducos at Earl Escusa.
Si Vegafria ay kinikilalang haligi ng entertainment industry bilang advertising-PR, event specialist record/film/TV producer, entrepreneur at business manager. Naging political adviser din siya ni dating senador Manny Paquiao nang tumakbo ito noong 2019 senatorial elections.


Leave a comment