Ang Pahayagan

Iligal na POGO sinalakay sa Subic Bay Freeport

SUBIC BAY FREEPORT– Nagsagawa ng operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kasama ang iba pang law enforcement agencies sa pagsalakay sa isang hinihinalang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Subic Freeport Zone, nitong Miyerkules ng hapon, Setyembre 04, 2024.

Ayon sa ulat ni CIDG Director PMGen Leo Francisco, isinagawa ang raid dakong ika-3:00 ng hapon sa No. 9-B Grooper Street, Kalayaan Housing Area sa bisa ng Search Warrant No. 2024-32 na inisyu ni Judge Melani Fay V Tadili, ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 97.

Sa naturang operasyon ay na-rescue ang  labing walong (18) Chinese nationals at inaresto naman ang dalawa pang Intsik na kinilala lamang sa kanilang mga alyas na Bao Go at A Hai na pinaniniwalang sangkot sa umano’y human trafficking activities.

Nakumpiska ng mga otoridad ang 18 desktop computers, 2 CCTV DVRs, 6 Android mobile phones, 6 iPhones, mga dokumento, bank cards, IDs, passports, isang safety vault, at mga bolos (knives).

Ang mga inaresto at ang mga nailigtas maging ang mga nakuhang ebidensya ay agad na dinala sa CIDG Intelligence Division sa Camp BGen Rafael T. Crame sa Quezon City.

Leave a comment