ZAMBALES — Nagsama-sama ang iba’t-ibang civilian motorcycle groups at bigbike enthusiasts mula sa sangay ng Sandatahan Lakas ng Pilipinas sa ginanap na Ride for West Philippine Sea ngayon araw ng Linggo, Agosto 25, 2024 bilang bahagi ng paggunita sa Araw ng mga Bayani o National Heroes Day.
Nag-umpisa ang paglalakbay ng tinatayang 500 motorcycle enthusiast mula sa Camp Aguinaldo sa Quezon City at sa Camp Aquino sa Tarlac bandang 5:00 ng madaling-araw kung saan nagsanib ang dalawang grupo sa Clark Freeport sa Pampanga bago tumulak sa Naval Operations Base ng Philippine Fleet sa Subic, Zambales.
Sa loob ng NOB-Subic ay nagsagawa ng maikling programa para sa mga kalahok subalit ito ay off-limits sa media.
Doon ay magbibigay ang bawat rider ng kanilang dalang donasyong care packages na ipadadala umano sa mga kasundaluhan na nakadestino sa mga pinag-aagawang teritoryo o isla sa West Philippine Sea.

Layon umano ng inisyatibong ito na itaas ang kamalayan ng bawat mamamayan gayundin ang pagkalap ng suporta para sa pangangalaga sa West Philippine Sea.
“This event stands as a powerful testament to our commitment to safeguarding our sovereignty and is also part of the nation’s celebration of National Heroes Day, honoring our heroes’ bravery and sacrifices as they serve as guiding lights to Filipinos to continue to protect and fight for the country,” saad sa fb post ng 1st Civil Relations Group, CRS AFP.
Bunsod din ng naturang aktibidad ay naglatag naman ng kanilang road security measures sa mga pangunahing lansangan na daraanan ng caravan ang Subic MPS sa pangunguna ni PLt Col Romme Geneblazo.
Katuwang sa pagbibigay proteksyon sa mga riders ang mga kapulisan ng Provincial Mobile Force-Zambales at ang civilian communication group na Kabalikat. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)


Leave a comment