Ang Pahayagan

Bagong Tambak Bridge sa Iba, binuksan na

ZAMBALES – Pormal nang binuksan sa mga motorista ang bagong tulay sa Sitio Tambac, Barangay Palanginan Iba, Zambales.

Ang nasabing tulay na nagkakahalaga ng Php105M ay ginawa upang palitan ang one-way metal bridge na mahigit dalawang dekada nang ginagamit ng mga residente rito.

Ang ponding ginamit rito ay bunga ng pagsisikap ni Second District Congresswoman Doris “Nanay Bing” Maniquiz na nangalap ng tulong sa ilang mga senador at mula din sa Tingog Party List na pinamumunuan ni House Speaker Martin Romualdez.

Ayon sa Kongresista, itinayo ang Tambak Bridge para maibsan ang matagal nang problema sa mabigat na trapiko na madalas mangyari sa National Highway. Dagdag pa niya na ang tulay ay isang tanda ng pag-unlad ng isang komunidad upang makahikayat ng maraming negosyante para magnegosyo sa napaka potensyal na lugar na nagdudugtong sa bayan ng Iba at Botolan Zambales.

Ayon naman kay Iba Mayor Irene Maniquiz Binan, ang nasabing kongretong tulay ay isa lang pangarap noon na halos ilan na ang nangakong magpagawa ng tulay ngunit wala ni-isang natupad at tanging si Congresswoman Maniquiz lamang ang tumupad sa mga napakong pangako ng marami.

Kasabay ng inagurasyon sa nasabing tülay ay pinasinayanan din ni Maniquiz ang Phase 1 ng 3-Rooms Multi-Purpose Building sa San Gregorio National High School sa bayan San Antonio Zambales.

Leave a comment