BULACAN—Humihiling ngayon ng agarang tulong para sa kabuhayan ang mga mangingisdang apektado ng oil spill sa Manila Bay.
Batay ito sa isang statement ng grupong Pangisda- Pilipinas, sinasabi rito na pinagbabawalan na umano silang mangisda sa karagatang may oil spill at sa mga lugar na aabutin pa nito.
Ayon kay Pablo Rosales, presidente ng naturang samahan, lubhang nalugmok anila ang kanilang kabuhayan dahil sa nagdaang bagyong Carina at habagat na nadagdagan pa ngayon anila ng pagbabawal na mangisda.
“Natuwa ang mangingisda dahil July 25 unti unti ng lumayo ang bagyo at humina ang ulan, humuhupa na ang baha sa mga kumunidad ng mga mangingisda sa baybaying bayan sa paligid ng Manila Bay, subalit July 26, sumambulat ang balita na may barkong-oil tangker sa Manila Bay at may kargang 1.4 milyong litro ng industrial oil”, saad pa nito.
Magugunita na lumubog ang oil tanker na MT Terra Nova na may kargang 1.4 milyon litro ng industrial fuel sa Manila Bay malapit sa Limay, Bataan
Kasalukuyan umano na umabot na sa Barangay Pamarawan sa Malolos Bulakan ang oil spill, base na rin sa ilang ulat mula sa lokal na pamahalaan, ani pa sa statement.
Kasama din sa kahilingan ng Pangisda-Pilipinas ang papanagutin ang korporasyon sa pinsalang dulot nito sa mangingisda, pagkasira ng ekosistema at sa kalikasan sa Manila Bay.
Ipinanawagan din nila ang pagpapatupad ng mahigpit na mga polisiya sa paglalayag ng ganitong kargamento sa karagatan, gayundin ang pagprotekta sa kalikasan, pangisdaan at mamamayan laban sa ganitong mga umano’y kawalan ng pag-iingat at kapabayaan.
📸 Pangisda-Pilipinas


Leave a comment