Ang Pahayagan

DOH, naglabas ng abiso kaugnay sa masamang epekto sa kalusugan ng oil spill sa Bataan

GITNANG LUZON—Nagbabala ang Department of Health sa publiko lalo’t higit sa mga responder sa lumubog na Motor Tanker Terra Nova sa Manila Bay malapit sa Limay, Bataan na maging maingat sa masamang epekto sa exposure sa kumakalat na krudo.

Sa ipinalabas na Oil Spill Public Health Advisory ng DOH Central Luzon, pinayuhan nito ang publiko na kung nakatira malapit sa lugar na kontaminado ng oil spill ay mas makakabuting lumikas pansamantala habang hindi pa nakakalap ang kumalat na krudo.

Iwasan din umano ang lumangoy o maligo, gumamit at kumain ng pagkaing-dagat na kinalap mula sa kontaminadong tubig. Kapag naman nadikit sa balat ang langis o tar ball, kaagad itong hugasan ng sabon at tubig, paalala pa ng DOH.

Mahigpit din ang tagubilin ng ahensya para sa mga responders, volunteers at clean-up workers na dapat magsuot ng protective gear gaya ng gown, guwantes, bota at glasses. Hugasan ang damit at glasses matapos ang bawat clean-up operation at itapon ng maayos ang ginamit na guwantes.

Kapag nalagyan naman ng langis ang damit, hugasan ito subalit iwasang gumamit ng matapang na detergents, solvents o iba pang kemikal.

Huwag hayaan din ang mga alagang hayop na magtungo sa mga lugar na kontaminado ng langis.

Tiyakin na lahat ng basura, debris at leftover items na apektado ng tumagas na langis ay naitapong mabuti at sa maayos na paraan at lalong huwag magsunog.

📸 Makikita sa aerial survey ang unti-unting pagkalat na langis sa karagatan mula sa lumubog na MT Terra Nova. (PCO)

Leave a comment