BATAAN—Pina-alalahanan ang publiko na mag-ingat at pansamantalang iwasan ang pangangalap, pagbebenta, at pagkain ng lahat ng uri ng shellfishes gayundin ng alamang mula sa lalawigang ito, base sa abisong ipinalabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) – Gitnang Luzon nitong Hulyo 17, 2024.
Binanggit sa kalatas na batay sa laboratory examination na isinagawa (BFAR 3)- Regional Fisheries Laboratory, ang sea water samples na nakolekta mula sa coastal waters ng Bataan, particular sa mga bayan ng Orani, Hermosa, Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Balanga, Samal at Abucay ay nagpositibo ng “Gymnodinium catenatum”, isang nakakalason na mikroorganismo na nagdudulot ng “Paralytic Shellfish Poison (PSP).”
“Upang mapangalagaan ang buhay ng tao, inilalabas namin ang babala na ito bilang payo sa publiko na iwasan ang pangangalap, pagbebenta, at pagkain ng lahat ng uri ng shellfishes at Acetes spp., na kilala bilang “Alamang” mula sa Bataan (Orani, Hermosa, Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Balanga, Samal at Abucay) upang maiwasan ang posibleng pagkalason sa shellfish,” saad sa abiso ng BFAR 3.
Sa kabilang banda, mga isda, pusit, alimango, at hipon ay ligtas na kainin basta’t sariwa ang mga ito, ang lahat ng laman-loob ay aalisin, at hugasan ng maigi, paalala pa ng ahensya.
Sa kasalukuyan ay mahigpit na binabantayan ng BFAR at LGU sa mga nabanggit na lugar para pangalagaan ang kalusugan ng publiko at protektahan ang industriya ng shellfish.


Leave a comment