Ang Pahayagan

Cayetano, tutok sa review ng New Senate Building sa kabila ng ethics complaint

Mananatiling nakatutok si Senador Alan Peter Cayetano sa pagbuo ng isang makatotohanan at independent na pagsusuri sa New Senate Building (NSB) sa kabila ng ethics complaint na isinampa laban sa kanya ni Senadora Nancy Binay.

Ito’y matapos magsampa ng pormal na ethics complaint si Binay laban kay Cayetano dahil sa umano’y hindi nararapat na asal nito sa huling bahagi ng unang pagdinig sa isyu ng Committee on Accounts noong July 3, 2024.

Bilang tagapangulo ng komite, binigyang-diin ni Cayetano na handa siyang harapin ang reklamo ngunit mananatiling nakatuon sa mas mahalagang isyu ng tumataas na gastos ng proyekto ng gusali.

“Ang issue ay y’ung P23 billion. Ano ba ang mas importante sa tao: ang tingin niya sa akin at ano ang tingin ko sa kanya? Or kung ano talaga ang nangyayari diyan sa building?” wika niya.

Pinuna rin ni Cayetano si Binay dahil sa bilis nitong pagsasampa ng ethical complaint gayong hindi ito nagsagawa ng masusing pagsusuri sa proyekto noong siya namuno sa Accounts Committee ng Senado sa loob ng dalawang taon.

Binigyang-diin niya ang kanyang tungkulin na tiyakin ang isang masusi at makatotohanang pagsusuri ng proyekto upang magawa ang “iconic at functional” na gusali sa mataas na kalidad at tamang halaga.

“Sa akin napunta [itong project], eh. Kaya ire-recommend ko talaga sa 24 senators na ayusin natin ang tamang pondo,” wika niya.

“Ako, gusto kong ilabas ang tamang pondo kasi kung hindi, we will not get to the conclusion kung magkano ba talaga,” dagdag niya.

Inihayag din niya ang kanyang alalahanin tungkol sa ibang bahagi ng proyekto na sa tingin niya ay sobra ang gastos. Aniya, mas mainam na ilaan ang pondo nito sa iba pang mga proyekto tulad ng mga silid-aralan.

“‘Yang facade na ‘yan na P1.6 billion, ‘yang broadcast at security systems na ‘pag pinagsama mo ay P2 billion, at ‘yang landscape na P663 million, hindi pwede sa akin ‘yan,” wika niya.

Leave a comment