ZAMBALES—Pinayuhan ni Senador Francis Tolentino ang mga Pilipinong mangingisda na maging maingat sa paglaot patungong Bajo de Masinloc o sa Scarborough Shoal sa gitna ng banta ng Tsina na darakpin at ididetine ang sinuman na mapapadpad sa pinatatalunang lugar ng West Philippine Sea (WPS).
Sa kabilang banda ay sinabi rin ng senador na hindi dapat kilalanin ang ipinatutupad na paghihigpit sa dahilang tayo naman din aniya ang tunay na dapat nakakasakop sa Bajo.
Ayon kay Tolentino, nakaka-apekto sa kabuoan ng bansa ang nagaganap na tension sa WPS at marapat lamang na maigiitna umano ang archipelagic boundaries sa pinatatalunang lugar.
“Kumbaga, ang batas na ito ang naglalagay ng gate sa ating mga bakuran para malaya tayong makagalaw, makapangisda at madiskubre kung ano pang oportunidad at yamang dagat ang nasa mga lugar na atin,” ani ng senador.
Hinikayat din ng senador ang mga mangingisda na mag-isip ng alternatibong pangkabuhayan sa gitna ng pagka-ipit sa tension sa WPS.
Bunsod din ito upang mamahagi si Tolentino ng ayuda para sa 400 mga mangingisda sa mga bayan ng Sta. Cruz, Masinloc at Subic ng lalawigang Zambales.
Ang naturang tulong ay mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na kung saan ang bawat benepisyaro ay nabigyan ng tig-P3,000 gayundin ang dagdag na 25 kilo ng bigas.


Leave a comment