ZAMBALES—Sinakote sa dragnet operation ang isang Chinese national na pinaniniwalaan ng mga otoridad na sangkot sa pagdukot sa isa niyang kababayan mula sa siyudad ng Makati.
Ayon sa ulat na nakalap sa Subic Municipal Police Station, kinilala lamang ang suspek sa pangalang Wu na unang hinarang sa checkpoint habang sakay ng isang puting BMW sedan.
Nagtangka pa umanong takasan ng suspek ang mga pulis na nakatanod sa checkpoint kung kaya’t nagkaroon ng habulan na umabot sa bayan ng Castillejos kung saan ito tuluyang nasakote.
Sa pagberipika ng mga otoridad ay nakumpirma umano na ang naturang sasakyan at ang suspek ay sangkot sa isang naganap na insidente ng kidnapping sa Kamaynilaan.
Napag-alaman na ang kasama nito sa sasakyan na kinilala lamang sa pangalang Yi na isa ring Chinese national ay biktima ng pagdukot, base sa nakatala sa blotter ng Makati City Police Sub-Station 2.
Si Wu ay nasa kustodiya ngayon ng Subic police gayundin si Yi na isinasa-ilalim pa sa malalimang imbestigasyon.


Leave a comment