Ang Pahayagan

8 bayan at Freeport zone sa Zambales apektado ng napipintong krisis sa basura

ZAMBALES— Apektado ang malawak na bilang ng mga lokalidad sa Gitna at Hilagang Luson kabilang na ang walong (8) munisipalidad ng lalawigang Zambales sa planong pagpapasara ng sanitary landfill sa Capas, Tarlac.

Ayon sa mga datos na nakalap ng Ang Pahayagan, planong ipasara ang Kalangitan sanitary landfill ng Metro Clark Waste Management Corp. (MCWMC) kapag nagtapos ang 25-year contract sa Bases Conversion and Development Agency (BCDA) at sa subsidyaryo nitong Clark Development Corporation (CDC) sa darating ng Oktubre ng taong kasalukuyan.

Kasama sa maapektuhan sa mawawalan ng mapagtatapunan ng kanilang basura ang mga industriya at negosyo sa Clark Freeport sa Pampanga at ang Subic Bay Freeport sa Zambales.

“The Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) fully understands the gravity of the impending closure of the Kalangitan sanitary landfill in Capas, Tarlac, which may result to an irreversible environmental holocaust for most areas in Central Luzon that utilize the said landfill,” saad sa statement ng SBMA – Office of the Deputy Administrator for Corporate Communications.

“However, since the SBMA has outsourced the garbage collection and waste disposal services for the Subic Bay Freeport zone with Metro Clark Waste Management (MCWM), the SBMA shall ensure that the MCWM complies with its commitment until 2025,” pagdidiin pa sa pahayag ng SBMA.

“We will have to look for an alternative,” pahayag naman ni Amethya dela Llana, manager ng SBMA Ecology Center, kaugnay sa napipintong krisis sa basura.

Nabatid na 60 to 65 tonelada ng residual waste kada araw o tinatayang kabuoang 1,650 hanggang 1,690 tonelada kada buwan ang nalilikha sa Subic Bay Freeport Zone, base sa datos ng SBMA Ecology center.

Bagamat 42 porsyento ng waste produced sa Subic ay nare-resiklo, ang natitirang 58 porsyento naman ay itinatapon sa Kalangitan landfill, base sa datos ng SBMA Ecology Center.

Sa lalawigan ng Zambales naman ay maapektuhan ng walang mapagtapunan ng basura ang mga munisipalidad ng Botolan, Cabangan, Castillejos, San Antonio, San Felipe. San Marcelino, Sta. Cruz at Subic.

Kabilang ang nabanggit na bayan sa halos 100 pang mga munisipalidad at siyudad sa Rehiyon 1, 3 at Cordillera Administrative Region na lumagda sa isang manipesto na humihiling sa Department of Environment and Natural Resources na mamagitan upang resolbahin ang kinakaharap na problema sa basura.

📸 Larawan mula sa Metro Clark Waste Management Corp

Leave a comment