Ang Pahayagan

K5 news team kasama si Quejada, ligtas nang nakalabas sa demolition zone

Olongapo City—Ligtas nang nakalabas sa lugar na may naganap na demolisyon ang buong crew ng 88.7 K5 News FM radio station – Olongapo City makaraang maipit ang mga ito sa kaguluhan nitong Martes, Marso 12, 2024 sa Sitio Balubad, Barangay Anonas, Angeles City.

Nauna rito ay nanawagan ang National Union of Journalist of the Philippines – OLONGAPO Chapter at iba pang media workers para aksyunan ng Philippine National Police at lokal na pamahalaan ng Angeles City na mahanap ang news anchor na si Rowena Quejada na iniulat na nawawala habang nagkokober sa naganap na demolisyon.

Kasama si Quejada ang apat pang miyembro ng news team bago magkaroong ng kaguluhan at napahiwalay ito sa gitna ng kaguluhan.

Sa kuwento ni Quejada, habang siya ay nagko-cover ay kinompronta ito ng mga naka-bonnet na kasama sa demolition team. Tinutukan umano siya ng baril ng isa sa mga ito na pumigil sa kanyang kumuha ng video habang sinisigawan ng katagang “media-demonyo” dahil sa ginagawang pag-uulat hinggil sa kaganapan.

Kinumpiska umano ng naturang mga kalalakihan ang cellphone, shoulder bag at wallet ni Quejada bago siya iwanan.

Isang nagmagandang-loob na Japanese national umano ang nakakita sa insidente ang nagmagandang loob na papasukin ito sa kanyang bahay kung saan hinintay ang aphupa ng kaguluhan sa lugar.

Habang sinusulat ang ulat na ito ay anim katao na pawang may tama ng bala ang ini-ulat na nasugatan at ginamot sa ospital. (Ulat para sa Ang Pahayagan / Jun Dumaguing)

Video grab kay Quejada bago iulat na nawawala.

Leave a comment